Sunday, June 3, 2018

Karanasan sa Paraiso: What the life lies after HIV

No comments :
Angelika Jeanne Carreon
Diana Lescano
Dean Carlo Ventura


PAALALA: Ang artikulong ito ay maaaring naglalaman ng mga salita o sensitibong paksa na hindi angkop sa mga batang mambabasa, panatilihin ang paggabay ng magulang o nakatatanda.


“Anim na taong gulang nang una kong maranasan ang mag-blowjob.
Pag-amin ni Chris, di n’ya tunay na pangalan.

Dalawang taon na rin ang makalipas mula ngayon nang makatanggap siya ng tawag mula sa health center ng Barangay Tiaong, Guiguinto, Bulacan. Ilang buwan na rin n’ya itong hinihintay mula nang magpa-test s’ya sa posibilidad ng pagkakaroon ng HIV.

Sa tono pa lamang ng pananalita ng doktor sa telepono, nagkaroon na ng pangamba ang noo’y 26 na taong gulang at sexually active na si Chris, na siya’y nagpositibo sa isinagawang testing: “Ang sabi lang n’ya [medical technologist] noon, do’n [sa center] nalang daw namin pag-usapan”.

Anim na taong gulang pa lamang noon si Chris nang mamulat na s’ya sa mga makamundong bagay kagaya ng sex. Sa gulang na ito, naranasan na n’ya ang una n’yang blowjob sa isang kapitbahay nila noon sa Butuan City sa Agusan del Norte kung saan s’ya lumaki. Pitong taon naman nang una n’yang maranasan ang anal penetration.

Sa pagtungtong n’ya ng high school, aminado s’ya na ang pananaw n’ya noon sa buhay ay tila ba ‘mauubusan ng lalaki sa mundo’, kaya naman mas lalo siyang naging mapusok sa mga nakikilala niya.

“Doon ko unang naranasang sumubo habang nagka-klase, si teacher, nagsusulat don sa board tapos ako naman nandito’t nakikipaglaro sa likod. No’ng tumungtong sa high school life, mas lalo akong naging wild,” aniya.

Habang papunta sa health center, dasal na lamang ang tanging nasasambit ng mga labi ni Chris. Bagaman masiyahin at optimista itong tao, inamin niyang takot ang nanaig sa kaniya noong mga panahong iyon. Malapit na siya sa paroroonan ngunit naninimbang pa rin siya sa sitwasyon.

Sa pagtigil n’ya sa pag-aaral sa edad ng labing pito, namulat s’ya sa panibagong mundo ng mas mapupusok na karanasan – sa mundo ng internet. Dito, inilahad n’yang mas naging madali ang paghahanap ng sex partner at diumano’y naging blogger din siya ng mga ‘M2M’ sites.

Gumamit din siya ng mga online dating sites kagaya ng Grindr, Tinder, Blued, at PlanetRomeo kung saan niya kadalasang nakikilala ang kaniyang mga katalik, mula M2M sex hanggang sa Sex party at grand eyeball.

“Kadalasan sa mga naka-sex ko, galing sa gay sites maliban do’n sa blogsite namin na talagang pang-M2M kasi mga taga-international ‘yong mga pumapasok.”

Pagkarating n’ya noon sa health center, kinausap na s’ya ng medical technologist na tumawag din sa kanya sa telepono. “Wag kang magulat, Chris”. Sabay abot niya ng papel na naglalaman ng resulta ng isinagawang pagsusuri. “You are HIV positive”.

Sa mga tala at datos

Isa ang kaso ni Chris sa tumataas na bilang ng mga taong nada-diagnose bilang People Living with HIV (PLHIV) sa buong Pilipinas, lalo na sa probinsya ng Bulacan. Ang Human Immunodeficiency Virus (HIV) ay isang uri ng Sexually Transmitted Infection (STI) at isang uri ng virus na maaaring maging Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) kapag hindi agad naagapan.

Hindi kagaya ng ibang uri ng virus, ang HIV ay hindi nagagamot sapagkat wala pang lunas na nadidiskubre na maaaring magtanggal ng kaso na ito sa katawan ng tao. Gayumpaman, maraming treatment ang ibinibigay ng mga ospital at Health Department ng gobyerno upang hindi lumala ang sitwasyon ng isang PLHIV.

“Libre naman ‘yong gamot nila, kaya lang ‘yong iba ayaw talaga [magpagamot]. Though nagagamot ka, habang buhay nand’yan na ‘yan [virus] kaya lang, ‘pag tinigilan mo at bumalik ka ulit sa dati, hihina na resistensya mo, bababa na ‘yong immune system, kaya talagang lahat ng klase ng sakit makukuha mo na,” ani Elizabeth Gutierrez, head ng LGU ng Bulacan Health Support Division.

Sa buong Central Luzon, nangunguna ang probinsya ng Bulacan sa may pinakamaraming kaso ng HIV na may kabuuang bilang na 1,643 na kaso simula 1984. Ani Gutierrez, taun-taong nangunguna ang probinsya sa rehiyon na may pinakamalagong kaso nito simula nang magkaroon ng mga tala.

Gayumpaman, hindi kinikilala ng lokal na pamahalaan ang Internet kabilang na ang mga online dating sites at iba pang platform bilang isang daan upang dumami ang kaso ng HIV bagkus isang daan upang mas madaling mapalaganap ang awareness patungkol sa isyung ito.

Pag-amin ni Gutierrez, noon lamang nila napagtanto na mayroon palang mga ganoong klase ng websites kung saan nagiging daan ito upang magtagpo ang dalawa o higit pang tao upang mag-sex.

Bagaman patuloy na tumataas ang kasong ito sa probinsya, positibo ang Provincial Health Office patungkol dito dahil dumarami ang naaagapan sa pamamagitan ng free testing.

“Isang factor ‘yon [awareness] na kung bakit tumaas ‘yong cases natin, at least informed na sila na may mga ganon, natatakot kasi sila [dati]. Ngayon kapag mayroong ginagawang [talks at seminar], ‘yong sa health information and education, makikita nila doon na hindi lang pala ganito, kailangan magpa-test na ko.”





Sa pagitan ng alinlangan at pag-asa

Matapos ma-admit si Chris bilang isang PLHIV sa mismong kaarawan niya, July 10, 2016, sumailalim siya sa mga treatments sa isang treatment hub sa Tiaong, Guiguinto kabilang na ang counseling at mga libreng gamot.

“Swerte na rin at wala akong opportunistic infections, ‘yong mga signs at symptoms lang ni AIDS ang na-acquire ko, pero halos lahat yata na-acquire ko. Pero nagpapasalamat pa rin ako na hindi ako nagkaroon ng mga gano’ng sakit gaya ng tuberculosis, pneumonia,” pagbabahagi ni Chris.

Malaki ang naging pagbabago sa buhay ni Chris simula nang malaman n’yang mayroon s’yang HIV, gayumpaman, hindi niya ito tinanggap na negatibo sa kan’yang buhay bagkus isang oportunidad sa mas magandang kinabukasan at marahil maging isang instrumento upang mabali ang stigma ng mga tao tungkol sa isyung ito.

“Hindi ko naman masabi na sinisi ko ang Diyos, kasalanan ko rin naman kung bakit ako nagkaganito. Parang tinanong ko nga kung bakit pa ko pinahirapan kung p’wede naman n’ya kong kunin na. Pero kung hindi pa dahil may ipapagawa pa siyang gusto kong gawin, tatanggapin ko ‘yong challenge na ‘yon,” ani Chris.

Sa ngayon, bilang lamang sa mga kamag-anak niya ang nakakaalam ng tunay niyang kalagayan. Gayumpaman, humahanap siya ng tamang oras upang mabuksan ang usapang ito sa kaniyang mga magulang sa Butuan. Nag-iisa siya ngayon dito sa Bulacan kasama ang ilan niyang kaibigan at second family.

Mula sa pagkakaroon ng HIV, humigit kumulang sampung taon ang bibilangin upang tuluyang makita ang mga bunga nito kagaya ng unti-unting paghina ng Immune System at pagkakaroon ng ibang sakit sanhi nito. Ngunit sa kaso ni Chris, gusto niyang gamitin ang oras na ito upang makapagsilbi at maging inspirasyon sa iba.

Ngayon, isa syang officer at counselor sa Guintong Kanlungan Satellite Treatment Hub para sa mga HIV cases, nagsasagawa rin siya ng mga talk tungkol sa awareness nito, at isa rin siyang aktibong Zin o Zumba instructor sa lugar.

Mayroon pa rin siyang account sa isang Gay Dating Site na Blued, hindi upang makipag-live show kundi upang magkaroon ng diskusyon tungkol sa HIV positivity. Ginagamit din niya ang oportunidad upang magbahagi ng kaniyang karanasan bilang inspirasyon na hindi dapat pinandidirihan at diskriminsayon ang mga PLHIV bagkus ay pagtanggap sa kung ano sila.


Siya si Chritian Ebcas, 28 taong gulang, tubong Butuan at laking Bulacan, nag-iisang PLHIV na out sa buong probinsya at advocate ng HIV at AIDS awareness. At bagaman maraming tinik sa kan’yang nilakaran, nakahanap pa rin siya ng isang magandang karanasan sa paraiso – ang karanasang maging inspirasyon sa ibang tao.

No comments :

Post a Comment